Pamamahagi ng educational assistance, posibleng hindi na ma-extend – DSWD

Posibleng hindi na ma-extend pa ang pamamamahagi ng educational assistance ng Department of Social Welfare and Development.

Ito ay makaraang matapos na ng ahensya ang distribusyon ng P1.7 billion na halaga na tulong sa 713,916 student-in-crisis na umarangkada mula August 20 hanggang September 24.

Ayon kay DSWD Asec. Romel Lopez, naubos na ng departamento ang lahat ng pondong nakalaan para sa programa at gumamit pa sila ng karagdagang budget.


Nasa P1.5 billion ang inisyal na pondong inilaan ng DSWD para sa educational assistance pero P1.7 billion ang kanilang naipamahagi sa mga benepisyarong lampas pa sa 400,000 na target lang sana ng DSWD.

Sabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo, kakailanganin nila ng karagdagang P200 million hanggang P300 million para maipagpatuloy ito.

Nabatid na umabot sa mahigit 2 milyong estudyante ang nagparehistro para sa student cash aid.

Facebook Comments