Nagbanta si Pasig City Mayor Vico Sotto na makukulong kapag napatunayang na nanamantala at nanloloko sa ginagawang paraan ng Pamahalaan Lungsod ng Pasig para makatulong at mabigyan ng ayuda ang mga mahihirap na Pasigueño pero ang ikinalulungkot ng alkalde ay marami pa rin ang manloloko at mananamantala sa kagandahang loob na ibinibigay na serbisyo ng Pasig City Government sa mga residente ng lungsod.
Ayon kay Mayor Sotto, humihingi siya ng paumanhin sa mga taga-Nagpayong dahil sa ipinagpaliban muna nila ang pamamahagi ng food coupon para sa public school students dahil sa napaulat na mayroon nanloloko at nanamantala sa naturang ayuda ng Pasig City Government.
Pinasasalamatan naman ng alkalde sa mga nagpapakita ng disiplina at sumusunod sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) at social distancing dahil halos lahat naman umano ng lugar kung saan nagkaroon ng distribusyon o pamamahagi ng food coupon ay naging maayos.
Paliwanag ni Sotto, kung disiplinado ang mamamayan ng Pasig at walang manloloko, magiging maayos umano ang pagbaba ng tulong para sa mga nangangailangan ng ayuda mula sa Local Government Unit (LGU).
Wala pang katiyakan kung kailan muling itutuloy ang pamamahagi ng food coupon sa Barangay Nagpayong pero sinisiguro ng alkalde na mabibigyan ang lahat basta’t magiging tapat at maayos na makikipagtulungan ang mga residente sa naturang lugar.