Hanggang ngayong araw na lamang ang gagawing pamamahagi ng food packs ng Philippine Overseas Labor Office – Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA) para sa mga displaced OFWs na nasa bansang Greece.
Ito’y matapos na alisin o i-lift na ang ipinapatupad na lockdown sa Greece noong May 5 kung saan unti-unti nang bumabalik sa normal ang sitwasyon sa nasabing bansa.
Sa pahayag ng Embahada ng Pilipinas sa Greece, aabot sa 2,400 na food packs ang kanilang naipamahagi sa mga OFWs.
Bagama’t unti-unti nang nagiging normal ang sitwasyon sa Greece, patuloy pa ring naka-monitor ang OWWA upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga OFWs at masiguro ang kanilang kaligtasan.
Nagpapasalamat naman ang POLO offices sa Filipino community sa Greece sa pagtulong sa pamamahagi ng mga food packs na sinimulan noong April 15.