Pamamahagi ng food packs, sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Maynila

Simimulan na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pamamahagi ng mga food packs mula sa Department of Social Welfare and Development National Capital Region (DSWD-NCR) para sa mga pamilyangg apektado ng ‘enhanced community quarantine’ dahil sa outbreak ng COVID-19.

Mismong si Mayor Isko Moreno ang nanguna sa pamimigay ng food packs kung saan nagbahay-bahay siya kasama ang mga opisyal ng Barangay 362, 497 at 585.

Ayon kay Mayor Isko, marami pang nakatakdang pamamahagi ng food packs sa lungsod at ang lahat ay pinapaalalahanan na hangga’t maaari ay manatili sa loob ng bahay dahil ang lokal na pamahalaan na ang bababa sa bawat barangay.


Hiling din ng alkalde na sumunod sa patakaran na inilatag bilang bahagi ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Panatilihin din ng bawat Manileño ang kalinisan sa sarili at sa kani-kanilang tahanan.

Tinututukan din ng lokal na pamahalaan ang mga nasagip na street dwellers na pansamantalang nanunuluyan sa Delpan covered court.

Ang pansamantalang evacuation shelter ay mayroong kani-kaniyang modular tents, sariling palikuran at paliguan.

Regular na rasyon din ng pagkain ang natatanggap ng bawat evacuee sa agahan, tanghalian at hapunan habang mayroon din silang kani-kaniyang hygiene kit at face masks.

Facebook Comments