Inihayag nina presidential candidate at Senador Panfilo “Ping” Lacson at vice presidential candidate at Senate President Vicente “Tito” Sotto III na walang puwang dapat ang korapsyon sa pamamahagi ng fuel subsidy sa mga sektor na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng paglusob ng Russia sa Ukraine.
Ayon kina Lacson-Sotto tandem, dapat nang matuto ang mga awtoridad sa nangyari noong nakaraan kung saan hindi nakarating sa mga benepisyaryo tulad ng Public Utility Vehicle (PUV) drivers ang pondo mula sa Bayanihan fund.
Paliwanag ni Lacson na bagama’t aniya ipinasa ng Kongreso ang Bayanihan 2 para matulungan ang sektor ng transportasyon ngunit napag-alaman ng Commission on Audit (COA) na isang porsyento lamang ng pondo ang talagang napunta sa mga benepisyaryo nito.
Binigyang-diin ni Lacson na ang pagdoble sa fuel subsidies para sa transport sector at pagbibigay ng fuel discount vouchers para sa sektor ng agrikultura ang pinakamainam na hakbang na dapat gawin.
Panukala ng economic development cluster ng gobyerno ang pagtataas ng fuel subsidy sa PUV drivers sa ₱5 bilyon mula ₱2.5 bilyon at pagtaas sa ₱1.1 bilyong pondo para sa fuel discount vouchers para sa mga magsasaka at mangingisda mula sa halagang ₱500 milyon.