Pamamahagi ng fuel subsidy sa mga operator at tsuper, matatapos na; desisyon sa hirit na pisong dagdag-pasahe, ilalabas ng LTFRB ngayong linggo

Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na halos kumpleto na ang unang bahagi ng kanilang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga apektadong tsuper at operator dahil sa patuloy na taas-presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

Sa isang panayam, sinabi ni LTFRB Executive Director Tina Cassion na mula sa 264,578 na benepisyaryo ay nasa 238,212 na ang nakatanggap ng kanilang ₱6,500 na tulong ayuda.

Habang, sa interview ng programang “Basta Promdi Lodi” sa RMN Manila ay sinabi rin ni Cassion na asahan na rin ng mga driver at operator na matatanggap na nila ang 2nd tranche ng ₱6,500 na fuel subsidy bago matapos ang Hunyo.


Samantala, sa isang panayam din, kinumpirma rin ni Cassion na ilalabas ngayong linggo ng LTFRB ang desisyon hinggil sa hirit na pisong dagdag-pasahe.

Ayon kay Cassion, pinag-aralang maigi ng ahensya ang naturang panawagan, kabilang na ang kapakanan ng mga pasahero kung saan nabanggit ng National Economic and Development Authority o NEDA na kahit ang ₱1.00 fare hike ay maaaring magdulot ng mas mataas na inflation sa bansa.

Facebook Comments