Pamamahagi ng fuel subsidy sa mga transport beneficiaries, wala nang dahilan na ma-delay – Sen. Angara

Wala nang dahilan para ma-delay o mabinbin ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga PUV operators at drivers.

Ito ang iginiit ni Senator Sonny Angara matapos i-exempt ng Commission on Elections (COMELEC) sa election ban spending para sa Barangay at SK Elections ang distribusyon ng fuel subsidy.

Hinimok ni Angara, Chairman ng Committee on Finance, ang Landbank of the Philippines na madaliin na ang pag-download ng fuel subsidies lalo na kung kumpleto naman ang mga requirements at tukoy naman na ang mga recipients.


Sa 2023 General Appropriations Act, nasa P3 billion ang alokasyon para sa transport fuel subsidy na pakikinabangan ng nasa 1.36 million beneficiaries.

Sa ilalim ng fuel subsidy program ngayong taon, P10,000 ang mapupunta sa mga drivers ng modernized public utility vehicles (PUVs), P6,500 sa mga drivers ng traditional four-wheel PUVs, P1,200 sa delivery riders at P1,000 sa mga tricycle drivers.

Bukod sa P3 billion na fuel subsidy sa transport sector, mayroon ding P1 billion na subsidiya para sa 312,000 na mga magsasaka at mga mangingisda.

Facebook Comments