Manila, Philippines – Nagbigay na ng “green light” si Pangulong Rodrigo Duterte para sa pamamahagi ng government-owned agricultural lands sa land reform beneficiaries.
Ito ay matapos mag-isyu ang Pangulo ng Executive Order no. 75 kung saan inaatasan ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na tukuyin ang mga lupaing pagmamay-ari ng gobyerno na maaring mapakinabangan sa agrikultura.
Sa ilalim ng E.O. 75, ang Department of Agrarian Reform (DAR) ang pangunahing ahensya ang tututok sa land distribution.
Pagkatapos tukuyin ng government agencies ang mga lupang maaring ipamahagi ay magsusumite ng listahan sa DAR kung saan nakasaad na rito ang lokasyon, paggamit at legal na basehan ng ownership.
Ang pag-iimbentaryo ng mga lupa ay ihahanda ng DAR sa tulong ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at dito na iva-validate ang lupa bago ito ipamahagi sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Inatasan din ang DAR at ang Department of Justice (DOJ) na bumuo ng rules and regulations ng EO.
Ang kautusan ng Pangulo ay magiging epektibo 15 araw matapos itong mailathala sa official gazette o sa mga pahayagan.