MANILA, PHILIPPINES – Aprubado na ng Malacañang ang memorandum sa pagpapatupad ng isang-libong pisong dagdag-pensyon para sa mga retiradong miyembro ng SSS.
Dahil retroactive ang pension increase, tatlong beses makakatanggap ng 1,000 dagdag-pensyon ang mga benepisyaryo nito sa Marso para punuan ang pensyon mula buwan ng Enero.
Ito ay sa mga petsa ng March 3, March 10 at March 17.
Pero ayon kay SSS President Emmanuel Dooc – kaakibat ng pension increase, ang pagtaas sa contribution mula sa 32 milyong miyembro nito.
Samantala, wala pang pinal na desisyon kung magkano at kung kailan ipatutupad ang nasabing dagdag sa kontribusyon.
Nabatid na gusto ng SSS na itaas ang monthly contribution sa 17% mula sa kasalukuyang 11%.
Posible namang maipatupad sa 2019 sa halip na sa 2022 ang isang-libo pang dagdag na pensyon kung magiging maganda ang financial performance ng SSS fund sa susunod na mga taon.