Pamamahagi ng mga aklat, ilalarga na rin ng DepEd kontra learning loss dahil sa bagyo

Malaking hamon para sa Department of Education (DepEd) na tugunan ang mga nasayang na araw sa pagtuturo dahil sa mga naipagpalibang klase noong kasagsagan ng bagyo at habagat.

Sa post SONA forum, sinabi ni DepEd Sec. Sonny Angara na batay sa findings ng EDCOM, dumarami ang “days of learning loss” dahil sa epekto ng climate change, lalo’t kamakailan ay isang linggong nasa bahay lamang ang mga mag-aaral.

Bilang tugon, sinabi ng kalihim na palalakasin pa ng DepEd ang paggamit ng alternative delivery mechanism tulad ng modules at learning sheets.

Gayunpaman, kailangan pa rin aniyang itaas ang antas ng suporta sa pamamagitan ng pamamahagi ng aktwal na aklat sa mga estudyante, lalo na para sa foundational learning sa kinder hanggang Grade 3.

Kasabay nito, binigyang-diin din ni Angara ang kahalagahan ng mga early childcare at daycare centers sa buong bansa, lalo na sa pinakamahihirap na bayan para tiyaking hindi napag-iiwanan ang mga batang nasa malalayong komunidad.

Facebook Comments