Target ng Department of Science and Technology (DOST) na mapalawak ang produksyon ng mga produktong pagkain ng ahensya na maaaring ipamigay sa tuwing may kalamidad.
Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum Jr., noon pa man ay mayroon na silang ready-to-eat meals na mas masustansya kumpara sa mga pagkaing karaniwang ipinamimigay sa mga evacuee.
Kabilang naman sa mga produktong ito ng DOST ay ang “Pack of Hope” chicken arroz caldo, smoked fish rice meal, boiled sweet potato at nutribun.
“Alam mo naman, disaster prone ang ating bansa, madalas nagkakaroon ng evacuation, kung minsan ay nadi-displace ang ating mga kababayan, e meron tayong mga ready-to-eat meals na pwedeng ipamigay during disaster na mas nutritious kumpara sa mga normal na noodles, mga de lata,” ani Solidum sa panayam ng RMN DZXL 558.
“Marami nang gumagamit nito, pero syempre, kailangan ng buff ‘yan, production na talagang pwedeng maipamigay sa maramihang nadi-displace ng disaster at kami’y nakikipag-usap nga sa DSWD upang matingnan ‘yung mas malawakan pang paggamit nito,” dagdag niya.
Kaugnay nito, nakikipag-usap na ang ahensya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para mas mapalawak ang paggamit ng mga ito bilang relief food.
Maliban dito, makatutulong din sa nutritional program ng mga lokal na pamahalaan at ng Department of Education (DepEd) ang pagkain ng nutribun, mga ready-to-eat food at ready-to-drink technologies ng DOST.
Kapag mas marami ang gagawa nito, magbibigay rin ito ng maraming trabaho sa mga Pilipino.
“Mas marami na ang interesadong gumawa nito at dumadami na sa buong bansa. Syempre, hindi naman lahat ng bakery ay magkakaroon ng interes dito kasi kailangan din sa kanilang lugar ay may customer base sila o meron silang pagsusuplayan,” aniya pa.
“So, importante na maipakita sa mga lokal na pamahalaan at sa DepEd na talagang makakatulog ito sa nutritional program para sa mga kabataan at tuhog din nito ‘yung livelihood na makapag-increase tayo ng job creation,” saad pa ng kalihim.