Pamamahagi ng P16.4 billion na ayuda para sa displaced workers, pinamamadali na ng DOLE

Doble na ang kayod ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamahagi ng ₱16.4 billion na financial assistance para sa mga manggagawang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Nabatid na itinakda na sa December 18 ang deadline ng aid distribution.

Ayon kay Labor Undersecretary Renato Ebarle, ipinag-utos na ni Labor Secretary Silvestre Bello III na pabilisin ang distribusyon.


Babala pa aniya sa kanila ni Bello ay ihanda na ang kanilang resignation kapag nabigo sila.

Hindi naman malinaw kung seryoso ang kalihim nang sabihin niya ito kasabay ng direktiba.

Sa ngayon, nakapag-download na ng 93% ng 16.4 billion pesos na budget sa kanilang regional offices.

Ang nasabing halaga ay ilalaan sa recovery programs ng DOLE gaya ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) para sa formal sector, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) para sa informal sector at Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) program para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ngayon araw, December 8 ay magsasagawa ang DOLE ng nationwide at international simultaneous payout para maipaabot ang tulong sa mas maraming benepisyaryo.

Facebook Comments