Utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa lahat ng kinauukulang tanggapan ng gobyerno na bilisan ang relief operations at iba pang tulong para sa mga biktima ng pagbaha at pag-ulan sa Northern at Easter Samar.
Sa situation briefing na pinangunahan ng pangulo ngayong araw sa Tacloban City, pinasisiguro nito sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na madadanaan ang lahat ng kalsada upang mas mabilis ang pagdadala ng mga food packs at relief goods sa mga biktima.
Pinatitiyak din ng pangulo na lahat ng nasa evacuation centers, maging ang mga residente na piniling manatili sa bahay o makituloy sa kaanak ay makatatanggap ng tulong.
Batay naman sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nasa higit 100,000 food packs na ang kanilang naipamahagi para sa mga apektadong pamilya sa Eastern at Northern Samar.
Sa ngayon, isinasapinal na lamang ang listahan ng mga apektadong pamilya at indibidwal na ang mga bahay na nasira dahil sa pag-ulan at pagbaha para maging batayan sa financial assistance na ibibigay ng pamahalaan.
Ayon pa sa pangulo, ang Department of Agriculture (DA) naman ang magbibigay ng kinakailangang assistance at iba pang agri products para sa mga apektadong pamilya.