Pamamahagi ng relief goods sa mga maaapektuhan ng Bagyong Siony sa Batanes, naging maaga; Probinsya, COVID-free na!

Photo Courtesy: Provincial Government of Batanes

Wala pang naitatalang anumang malaking insidente sa Batanes sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Siony.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Batanes Governor Malou Cayco na wala silang naitalang landslide incident at nadadaan ang lahat ng mga kalsada.

Wala ring mga natumbang puno maliban na lang sa mga naputol na sanga.


Bago pa man tumama ang bagyo ay nakapagsagawa na sila ng preemptive evacuation.

Naging maagap din aniya ang pamamahagi nila ng relief goods.

“Sa pagkain po ay nakapamigay na kami mula pa noong Wednesday. Medyo advance kami nagbigay ng relief goods kasi sa experience ko sa Bagyong Ferdie ay kapag nagbigay kami ng relief goods after ng typhoon ay nahirapan po kami dahil sa mga nakahambalang na puno saka ho mga poste ng kuryente,” pahayag ni Cayco.

Kasabay nito, kinumpirma rin ni Gov. Cayco na COVID-free na ang Batanes.

Sa Lunes, makakalabas na sa mga isolation facility ang 95 locally stranded individuals (LSIs) matapos na hindi makitaan ng sintomas ng COVID-19.

“COVID-free po kami ngayon no, meron po kaming mga LSI, 95 po ay naka-quarantine po at sila po ay ga-graduate po sa Monday. Pero awa po ng Diyos, lahat po ng 95 po na ‘yan ay walang sintomas ho ng COVID,” saad pa ng gobernadora.

Facebook Comments