Cauayan City, Isabela- Kasalukuyan pa rin ang pamamahagi ng mga relief packs ng pamahalaang panlungsod ng Ilagan sa mga barangay na apektado ng total-lockdown makaraang isailalim sa Enhanced Community Quarantine ang buong Lungsod na magtatagal hanggang Oktubre 30.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Ginoong Paul Bacungan, Information Officer sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Pinangunahan aniya ni City Mayor Jay Diaz ang pamamahagi ng mga relief goods kasama ang mga opisyal ng barangay at mula sa ibang ahensya ng pamahalaan.
Magtatagal pa hanggang October 30 ang pagsasailalim sa ECQ sa Lungsod habang nagpapatuloy naman ang paggalaw ng mga idineploy na contact tracers mula sa DILG.
Ayon pa kay Ginoong Bacungan, mahusay ang mga nagsasagawa ng contact tracing dahil mabilis lamang na natutukoy ang mga nakasalmuha ng mga nagpositibo.
Bagamat nakakapagtala ng mga panibagong kaso ng COVID-19 ang Lungsod ay umaasa naman ang punong Lungsod na mapigilan at matuldukan na ang pagkalat ng virus sa kalungsuran.
Pinapayuhan naman ang publiko na unawain at sundin ang mga ipinatutupad na guidelines at protocols at sumunod din sa pinaiiral na liqour ban at curfew hour.