Cauayan City, Isabela- Nagpapatuloy pa rin ang pamamahagi ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 2 sa payout ng mga TUPAD beneficiaries sa iba’t-ibang bayan at Lungsod sa Lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Regional Director Joel Gonzales ng DOLE Region 2, naka iskedyul aniya ngayong araw ng Lunes, July 12, 2021 ang bayan ng San Manuel na magsasagawa ng cash payout para sa mga benepisyaryo ng Tulong Panghanap-buhay sa mga Disadvantaged/ Displaced Workers (TUPAD) program.
Ayon kay RD Gonzales, aabot na sa mahigit 100,000 TUPAD beneficiaries sa Lalawigan ng Isabela ang nabigyan ng tulong sa ilalim ng nasabing programa.
Nakatakda naman bukas, July 13, 2021 ang pamimigay ng payout sa mga TUPAD beneficiaries sa bayan ng Luna at isusunod ang iba pang mga bayan.
Dagdag pa ni Gonzales, ang tinatanggap na sahod ng isang benepisyaryo ay depende sa oras ng kanyang trinabaho.
Lagi aniyang ipinaalala ng DOLE sa lahat ng mga benepisyaryo ng TUPAD na gamitin sa tama ang kanilang natatanggap na sahod na siya namang layunin ng nasabing programa na matulungan ang mga Pilipinong nawalan ng trabaho ngayong panahon ng pandemya.