Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na halos matatapos na ang pamamahagi ng second tranche ng Social Amelioration Program o SAP 2.
Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, nasa 99 percent na ng P83.5 bilyong pondo ng SAP ang naipamahagi na sa mahigit 13.9 milyong benepisyaryo sa buong bansa.
Nasa 13,967,421 mula sa 14,117,957 na benepisyaryo ang nabigyan ng subsidiya habang nasa ₱83,464,838 ang halagang naipamahagi na.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang nasa Pantawid Pamlyang Pilipino Program (4Ps), maliliit ang kita, pamilyang hindi kasali sa 4Ps, at mga nasa “waitlisted.”
Kasama rin sa mga nabigyan ng ayuda ang public transport workers na kinabibilangan ng mga tsuper sa Public Utility Vehicles (PUVs) at Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Ipinamigay ang SAP 2 sa Region 3 (maliban lang sa Aurora Province), National Capital Region, Region 4-A, Benguet, Pangasinan, Iloilo, Cebu, Bacolod City, Davao City, Zamboanga at Albay.