Pamamahagi ng SAP 2, target tapusin ng DSWD ngayong buwan

Tatapusin na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng second tranche ng Social Amelioration Program (SAP) ngayong Setyembre.

Ayon kay DSWD Undersecretary Rene Glen Paje, ang nalalabing 600,000 na mga benepisyaryo ay makatatanggap ng ayuda na inilaan sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.

Aniya, nasa 96% o 13.7 milyong benepisyaryo ang nakatanggap na ng SAP 2 na nagkakahalaga ng ₱82 bilyon hanggang nitong Setyembre 2.


Una nang nabigo ang DSWD na tapusin ang pamamahagi ng SAP 2 noong Agosto 15 dahil sa hindi nakumpletong uploading ng mga Social Amelioration Card (SAC) forms mula National Capital Region (NCR), Central Luzon, CALABARZON, Western Visayas at Zamboanga Peninsula.

Nabatid na mahigit 59,000 SAC forms pa ang hindi na-a-upload ng mga Local Government Unit (LGU) habang 82,000 na mga pangalan ng SAP 2 beneficiaries ang hindi pa nava-validate.

Facebook Comments