Sisimulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng second tranche ng cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) sa mga hindi benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kapag natapos ang kanilang deduplication process o paglilinis ng listahan ng mga benepisyaryo.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, inaasahang matatapos ang deduplication process sa lalong madaling panahon para masimulan na ang pamamahagi ng ayuda sa non-4Ps beneficiaries lalo na sa National Capital Region (NCR).
Pinaigting din nila ang validation at deduplication process para matiyak na walang madodobleng cash aid sa ikalawang bahagi ng SAP.
Sinabi ni Dumlao na aabot sa higit 400,000 duplicate beneficiaries ang kanilang nakita sa listahan at 13,000 family-beneficiaries ang nagsauli ng nadobleng cash aid.
Paliwanag ni Dumlao na ang sobrang ayudang natanggap ng 4Ps recipients ay awtomatikong ibabawas sa kanilang subsequent cash grants hanggang sa ma-refund o fully adjusted ang amount.
Nanawagan ang DSWD sa mga benepisyaro na isauli sa kanilang lokal na pamahalaan ang natanggap na dobleng ayuda.
Aabot na ₱6.746 billion na halaga ng second tranche ng cash subsidies ang ipinamahagi sa 1,336,635 4Ps beneficiaries.
Nasa 11 lugar sa bansa ang sakop ng SAP 2, ito ay ang: Central Visayas (maliban sa Aurora province); NCR; CALABARZON; Benguet; Pangasinan; Iloilo; Cebu Province; Bacolod City; Davao City; Albay Province; at Zamboanga City.