Iminungkahi ng ilang senador na kung hindi magampanan ng Department of Health (DOH) ay mabuting alisin na rito ang responsibilidad sa pamamahagi ng ayuda at benepisyo para sa mga health worker.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, pwedeng Local Government Units (LGUs) na lang ang magbigay ng tamang benepisyo sa mga health worker sa tamang panahon.
Suhestyon naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, maaring pag-aralan na ibigay ang responsibilidad at budget ng Special Risk Allowance (SRA) sa Department of Labor and Employment o DOLE dahil naging maayos naman ang pagbibigay nito ng ayuda sa mga manggagawa.
Sang-ayon naman si Senator Imee Marcos na ilipat sa ibang ahensya ang trabaho ng DOH na magbigay ng benepisyo sa mga health worker.
Gayunpaman, may alinlangan si Marcos na ilipat ito sa DOLE na tambak na rin ang trabaho.