Target ng Department of Finance (DOF) na matapos ang pamimigay ng cash assistance sa middle-class workers na nagtatrabaho sa Micro, Small and Medium Enterprises pagsapit ng June 25, 2020.
Sa Laging handa public press briefing, sinabi ni Finance Assistant Secretary Tony Lambino na sa ngayon ay nasa 97.4 percent na sila o kabuuang 3.3 milyong middle-class workers na ang napagkalooban nila ng P5,000 hanggang P8,000 tulong pinansyal.
Ayon kay Asec Lambino, wala pang dalawang buwan at matatapos na nila ang pamimigay ng ayuda sa middle-class workers na naapektuhan o hindi sumweldo noong ipinatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ang tanging problema aniya, sa ngayon ay ang maling impormasyon na na-isumite ng employers tulad na lamang ng maling account number o cellphone number ng manggagawa kung kaya’t hindi pa nila matanggap ang tulong pinansyal.
Sa ngayon nakikipag ugnayan na ang Social Security System (SSS) sa mga employer upang ma-itama ang impormasyon ng kanilang mga empleyado.
Mayroong hanggang Hunyo 18, 2020 ang SSS para maberipika ang mga impormasyon ng isang employee.
Ang Small Business Wage Subsidy ay layuning tulungan ang nasa 3.4 milyong middle-class workers na nagtatrabaho sa 1.5 milyong maliliit na negosyo sa bansa na napilitang magsara o magtigil operasyon dahil sa COVID-19 pandemic.