PAMAMAHAGI NG TULONG SA MGA ILAGUEÑOS NA NASALANTA NG BAGYO, PUSPUSAN

Cauayan City – Hindi naging hadlang ang nararanasang pagbaha upang magpatuloy ang pamamahagi ng relief goods para sa mga residenteng naapektuhan ng bagyo sa lungsod ng Ilagan.

Matatandaang sa pinakahuling ulat, umabot sa 34,144 na mga indibidwal mula sa iba’t-ibang barangay sa Lungsod ng Ilagan ang naapektuhan ng naranasang pagbaha matapos ang pananalasa ng bagyong Kristine.

Personal na pinuntahan ni Ilagan City Mayor Hon. Jay Diaz ang mga evacuation centers at isolated barangays upang ipamamahagi ang relief packs na para sa mga apektadong pamilya.


Bagama’t nakaranas ng malawakang pagbaha, ikinagalak naman ng mga ito na sa kanilang pinakahuling monitoring ay nananatiling zero casualties ang lungsod ng Ilagan.

Sa ngayon, puspusan pa rin ang ginagawang repacking ng mga relief goods na para sa mga apektadong Ilagueños, at magpapatuloy rin ang kanilang relief operations hanggang sa malibot nila ang lahat ng sulok ng Ilagan na naapektuhan ng sakuna.

Facebook Comments