Pinabibilisan ni Ang Probinsyano Partylist Rep. Alfred Delos Santos ang pamamahagi ng tulong sa mga lugar na apektado ng Bagyong Odette.
Tinukoy na marami pang lugar sa Visayas at Mindanao ang hindi pa naaabutan ng tulong ng pamahalaan.
Ayon kay Delos Santos, nagsimula silang umikot sa mga malalayong komunidad sa Bohol upang maihatid ang tulong ng gobyerno sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Aabot naman aniya sa 350 pamilya ang nauna nilang nabiyayaan ng noche buena bags at ayuda bags sa komunidad ng Jagna, Bohol.
Batid ng kongresista na marami pang lugar ang kinakailangang mabigyan ng tulong sa lalong madaling panahon.
Nakatakda pang umikot sa ilang komunidad sa Cebu ang Ang Probinsiyano Partylist upang maghatid ng ayuda sa mga nasalanta rin ng bagyo sa lalawigan.