Mariing itinanggi ng Diliman Doctors Hospital sa Quezon City ang kumakalat na balita sa Facebook na namahagi ng panis na pagkain sa mga frontline workers ang Office of the Vice President (OVP).
Sa isang post sa Facebook ng isang nagngangalang “Jacques Phillip” na ngayon ay burado na, sinabi nito na sinubukang bayaran ng tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez ang pamunuan ng ospital para manahimik.
Pero sa statement, sinabi ng ospital na nakatanggap sila ng food donation sa tatlong okasyon mula sa tanggapan ni Bise Presidente, pero wala dito ang nakitaan ng panis na pagkain.
Paglilinaw rin ng ospital na walang lumutang na sinumang kinatawan mula sa OVP at walang nangyaring barayan.
Tinabla rin ng ospital ang post ng netizen at inihayag nila na isang karangalan na makabisita ang Bise Presidente ng Republika ng Pilipinas sa kanilang ospital sa panahon ng pandemya.
Una nang itinanggi ni Robredo ang ulat at iginiit na dapat bineripika ng Facebook user ang impormasyon bago ito i-post sa social media.