Pamamahala sa Hajj pilgrimage, isinulong ng ilang kongresista na maisapribado

Iginiit ni House Committee on Muslim Affairs at Lanao del Norte Representative Mohamad Khalid Dimaporo na alisin sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) at isapribado na lang pamamahala sa taunang Hajj pilgrimage.

Umaasa si Dimaporo na mabibigyan ng prayoridad ng Kamara na maipasa ang nakabinbing panukala hinggil dito na inihain nina Basilan Rep. Mujiv Hataman at Lanao del Norte Rep. Sittie Aminah Dimaporo.

Ito ang nakikitang solusyon ni Dimaporo sa mga iregularidad at problemang kinaharap ng mga Pilipinong Muslim sa mga nagdaang Hajj pilgrimage tulad ng napaulat na pagka-stranded sa Metro Manila at Saudi Arabia noong 2022 at 2023.


Binanggit ni Dimaporo na dahil sa iba’t ibang suliranin sa NCMF ay pinangangambahang hindi maisagawa ang Hajj pilgrimage ngayong taon.

Napakahalaga aniya para sa mga Muslim ng Hajj na isa sa limang pillars ng Islam na isinasagawa sa pamamagitan ng limang araw na ritwal at pilgrimage sa banal na Mecca sa Kingdom of Saudi Arabia.

Facebook Comments