Ibigay na lamang sa mga Local Government Unit (LGU) ang pamamahala sa Inter-Agency Task Force (IATF).
Ito ang mungkahi ni dating National Task Force Against COVID-19 Special Adviser Dr. Tony Leachon matapos na ilang beses i-reject ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilan sa naging rekomendasyon ng IATF hinggil sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Punto ni Leachon, ang mga LGU naman ang nagpapatupad ng mga polisiya kaya mas alam nila kung papalpak ito o hindi.
“Dapat yung IATF, i-delegate na ‘yong COVID management to the LGU. ‘Yong mga mayor hindi naman iyan mahihina, ang gagaling ng mga mayor na ‘yan sa tagal ng experience na ‘yan. Sila ang mag-i-implement kaya alam nila kung papalpak o hindi e. Tingnan niyo, dahil mayor ang Pangulo, pagdating sa lamesa ng Pangulo, rejected ‘yong IATF guidelines,” saad ni Leachon sa panayam ng RMN Manila.
Giit pa ni Leachon, sa halip na magpatupad ng maliliit na polisiya dapat na naka-focus ngayon ang pamahalaan sa pagbili ng bakuna.
Pero tingin niya, hindi ito natututukan dahil na rin sa dami ng trabahong hinahawakan ni Health Secretary Francisco Duque III.
Nabatid na bukod sa pagiging Health Secretary, si Duque rin ang tumatayong chairman ng IATF bukod pa ang tungkulin niya sa Food and Drug Administration (FDA) at pagiging Chairman of the Board ng PhilHealth.
“Ang tutok nating lahat dapat nasa bakuna. Ngayon, kung nasa sa‘yo lahat ng trabaho mo, punong-puno ‘yong mesa mo, paano ka pa nakaka-function as DOH Secretary, ikaw pa rin ‘yong IATF e ang haba ng mga meetings niyo and that led to a problem in terms of focus,” ani Leachon.
“So ang point ko, kapag may ganyan sa isang organization, nire-redefine mo para maging functional,” dagdag niya.
Muli namang iginiit ni Leachon na hindi niya kailangan ng posisyon sa gobyerno makaraan siyang banatan ni Presidential Spokesperson Harry Roque dahil sa rekomendasyon niyang buwagin ang IATF.
“Mag-research muna kayo Secretary Galvez, Roque, successful naman po akong cardiologist, hindi ko po kailangan ‘yang trabahong ‘yan. Naging adviser po tayo, marami rin nagsasabi na marami tayong nagawa. Ang ibig kong sabihin, ‘yong mga ganyang klase hindi po idinadaan sa init ng ulo, nire-reevaluate bakit hindi tayo nagfa-function,” aniya pa.
“Walang personalan ‘yon e ang problema sa ating gobyerno, e balat-sibuyas po e.”