Pamamahayag sa Pinas, Mapanganib pa rin- Usec Egco!

*Tuguegarao City, Cagayan-* “Lubhang mapanganib pa rin ang pagiging isang mamamahayag o media sa ating bansa”.

Ito ang binigyang diin ng Presidential Communications Operations Office Undersecretary Jose Joel Egco sa ginanap na dalawang araw na PCOO roadshow kahapon, May 23, 2019 sa Tuguegarao City.

Bunsod anya ito ng ilang karahasan at mga insidenteng naitala na may kinalaman sa mga pagpaslang at pananakot sa mga mamamahayag nitong mga nagdaang taon.


Nasa ika-limang pwesto anya ang bansang Pilipinas sa mga bansang mapanganib sa mga mamamahayag ngayong taon kumpara noong taong 2008 hanggang 2009 kung saan naitala ang Maguindanao massacre na may 38 mamamahayag ang naiulat na napaslang.

Ayon kay Usec. Egco, Ilan sa mga nakaambang panganib sa buhay ng isang media ang tungkulin nito sa trabaho na ipaglaban ang adbokasiya bilang mamamahayag dahil sa maruming pulitika, korapsyon, kriminalidad sa lipunan at pagiging testigo sa mga nangyayaring krimen.

Gayunman ay mayroon pa rin inatasang ahensya ang Pangulong Duterte na Presidential Taskforce on Media Security upang bantayan ang kaligtasan ng isang mangagagawang mamamahayag.

Kaugnay nito, nakapagtala naman noong 2016 ang nasabing ahensya ng labing isang (11) kaso ng karahasan at tatlo dito ay nasampahan na ng kaukulang kaso.

Samantala, ipinagmalaki pa rin ni Usec. Egco na walang naitalang karahasan o pagpatay sa mga mamamahayag nitong nakaraang halalan 2019 habang nagbigay pugay at nagpapasalamat ito sa mga kapulisan at kasundaluhan dahil sa pagbibigay ng mahigpit na seguridad.

Facebook Comments