Sultan Kudarat – Isa ang patay habang 19 ang sugatan matapos pagbabarilin ang bahay ng isang pulis at hagisan ng granada ang katabing bahay nito sa Barangay Palumbi, Lambayong, Sultan Kudarat.
Sa ulat, pinuntirya ng mga suspek ang bahay ng isang pulis na hindi pa pinangalanan kung saan pinaulanan ito ng bala at malubhang nasugatan ang tiyuhin, habang masuwerteng wala ang target na pulis nang mangyari ang pag-atake.
Matapos ang pamamaril sa bahay ng pulis, tumungo ang mga suspek sa kalapit na bahay at doon ay naghagis naman ng granada sa isang debut party kung saan 18 ang malubhang nasugatan at isa ang namatay na nakilalang si Joemar Obaldo.
Hinabol pa ng mga barangay tanod ang mga suspek ngunit pati sila ay pinaulanan din ng bala gamit ang cal. 45 na baril kaya tuluyang nakatakas.