Kinondena ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pamamaril kay dating US president Donald Trump sa isang political rally sa Pennsylvania nitong Sabado.
Sa isang pahayag sa X (dating Twitter), sinabi ng presidente na malaking kaginhawaan na ligtas at nasa maayos na kalagayan ang dating pangulo matapos itong tangkain na i-assasinate.
Kaugnay nito, nakikiisa aniya si Pangulong Marcos sa pagkondena sa kahit anumang uri ng political violence.
“The voice of the people must always remain supreme,” dagdag pa nito sa kanyang mensahe sa social media.
Una nang kinondena ng iba pang world leaders ang nangyaring pamamaril kay Trump na ikinasawi ng isang dumalo sa rally, at ikinasugat ng iba pa.
Ayon naman sa campaign team ni Trump, maayos na ang lagay ng dating pangulo na nadaplisan ng bala ang kanang tainga.
Mababatid na nangyari ang pamamaril, apat na buwan bago ang November 5 election, kung saan muli niyang makakaharap si democratic President Joe Biden.