Patuloy ang pagsisisyasat ng kapulisan sa lungsod kaugnay ng nangyaring pamamaril kahapon sa dating barangay chairman sa mismong araw ng kasal ng kanyang anak sa isang hotel dito sa syudad.
Kaugnay nito hinihiling ni Cotabato City Police Office Deputy for Operations Supt. Joan Maganto ang kooperasyon ng pamilya ng pinaslang.
Ayon kay Supt. Maganto, kailangang makipagtulungan ng mga kaanak ng biktimang si Kagi Nasifh Abdullah Sampiano, 52 anyos, may asawa at residente ng Barangay Purakan sa bayan ng Balabagan Lanao del Sur upang masampahan ng kaukulang kaso ang perpetrator.
Nababahala ngayon ang City PNP na mauuwi sa gantihan o “rido” ang pamamaril-patay kay Sampiano at pagkakasugat ng son-in-law nito hangga’t hindi nasi-settle ang kaso.
Nakakabahala ang hindi pakikipagtulungan sa mga otoridad ng mga kaanak ng biktima, dagdag pa ni Supt. Maganto.
Sa kabilang banda, sinabi naman ni Cotabato City Sec. to the Mayor Anecito “Boy” Rasalan na sa kabila ng mga serye ng pamamaril sa lungsod ay mainam pa rin naman ang peace and order situation sa kabuuan kaya walang dapat na ikabahala ang mamamayan ng syudad.
Ayon pa kay Rasalan, patuloy naman ang mas pinaigting na magbabantay ng mga otoridad upang maiwasan ang kahalintulad na inisdente katuwang ang barangay officials at barangay tanods.
Pamamaril sa former barangay chairman sa mismong araw ng kasal ng anak nito posibleng mauwi sa “rido”!
Facebook Comments