Mariing kinondena ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Director Sandra Cam ang pamamaril sa harap ng kanyang bahay sa Barangay Canvañez, Batuan, Masbate ng hindi pa nakikilalang mga suspek kung saan dalawang bata na dumalo sa isinagawang gift giving ang nadamay at malubhang nasugatan.
Giit ni Cam, malinaw na politically motivated ang nangyaring pamamaril na ang hangarin ay maghasik ng takot sa mga residente at sa kanilang mga supporters.
Paliwanag ni Batuan Chief of Police Police Lieutenant Nestor Nasayao, mayroon na silang lead at identified suspects pero tumanggi pa muna itong pangalanan para na rin sa kaligtasan ng mga testigo.
Aniya, pananakot at walang direktang target ang mga nasa likod ng pamamaril dahil ginawa ito sa harap ng compound ng pamilya Cam na may 25 metro pa ang layo mula pinaka-entrance ng bahay.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang pirasong fired slug at limang fired cartridge mula sa .45 kalibre ng baril.
Kasalukuyang nang nirerebyu ng Masbate Police ang CCTV footage sa pinangyarihan ng insidente na makatutulong para matukoy ang apat na suspek na lulan ng dalawang motorsiklo.
Tiniyak naman ni Nasayao na mas hinigpitan na nila ang seguridad sa Batuan kasunod ng insidente.
Matatandaang naging mainit ang laban ni Butuan Mayor Charmax Yuson at ang anak ni Cam sa pagiging alkalde ng Bayan noong 2019 Elections na bagama’t natalo ay labis na sinusuportahan ng mga residente roon.