Pamamaril sa Isang Pulis-Patay sa Cagayan, May ‘Person of Interest’ na!

Cauayan City, Isabela- Mayroon nang ‘Person of Interest’ ang pulisya sa pamamaril sa isang pulis sa Aguinaldo St., Barangay 2, Enrile, Cagayan.

Sa nakalap na impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, lumabas sa pagsisiyasat ng otoridad na mismong asset ng nasawing biktima na si PSSg Alvin Anog, 30 anyos, may-asawa, Intelligence Officer ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), PRO2, residente ng Barangay San Roque, Enrile, Cagayan ang tinitignan na responsable sa krimen.

Tinitignan bilang person of interest ang backrider ng biktima na nagngangalang James Anog na kasama nito sa pagsasagawa ng mga programa kaugnay sa iligal na droga sa kanilang nasasakupan.


Dahil dito, agad na bumuo ng Special Investigation Task Group (SITG) ang Cagayan Police Provincial Office (CPPO) para sa agarang pagresolba sa pamamaril sa biktima.

Batay sa resulta ng masusing pagsisiyasat ng otoridad ay may kaugnayan sa trabaho ng biktima ang motibo ng suspek sa pamamaril at lumalabas na si James ang nagplano sa naturang krimen kasama ang isa pang kaibigan na nagngangalang ‘Jayson’.

Inihahanda na ngayon ng pulisya ang kasong isasampa laban kay James Anog.

Magugunitang noong gabi ng Marso 10, 2020 ay pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek ang biktima na nakasuot ng gray jacket at lulan ng isang motorsiklo.

Facebook Comments