Pamamaril sa Magsasaka-Patay sa Bayan ng San Mariano, Planado

38

Cauayan City, Isabela- Posibleng plinano ng riding in tandem na mga suspek ang pamamaril na ikinasawi ng isang magsasaka na bumabaybay sa bahagi ng barangay Minanga, San Mariano, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMSg Juniemar Baingan, imbestigador ng PNP San Mariano, kanyang sinabi na base aniya sa kanilang patuloy na pagsisiyasat, makikita sa mga nakuhang CCTV footages na talagang sinusundan ng riding in tandem suspects ang biktimang si Edwin Dancel, nasa hustong gulang, magsasaka at residente ng Brgy. Sevillana, Benito Soliven, Isabela mula pa sa brgy Alibadabad ng nasabing bayan.


Naisagawa lamang ang balak ng mga suspek nang makarating na sa pababang bahagi ng daan sa brgy Minanga ang biktima na sakay ng minamanehong motorsiklo kasama ang angkas na si Edgardo Aggabao, 44 taong gulang, may asawa, magsasaka at residente naman ng Brgy. Old San Mariano, Isabela.

Base naman sa mga nakakita, agad na umalis sa di malamang direksyon ang mga suspek na sakay din ng motorsiklo pagkatapos ng krimen.

Agad na binawian ng buhay si Dancel matapos makapagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa ulot at isa sa bahagi ng katawan.

Maswerte namang nakaligtas ang angkas nito dahil agad din nakatakbo matapos matumba ang sinasakyang motorsiklo.



Ayon pa sa pamilya at mga kakilala ng biktima, wala umano silang alam na nakaaway ni Dancel na posibleng dahilan ng pagbaril sa kanya.


Kaugnay nito, siniguro naman ng kapulisan na malutas sa lalong madaling panahon ang naturang kaso para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.

Facebook Comments