Pamamaril sa Maguindanao sa kasagsagan ng COC filing, isolated case lang —PNP

Isolated case lang ang nangyaring pamamaril sa Shariff Aguak, Maguindanao kahapon na ikinasugat ng tatlong indibidwal.

Ayon kay Philippine National Police PIO (PNP-PIO) Chief Police Brigadier General Jean Fajardo, bagamat itinuturing nilang isolated ang insidente, kanila pa rin itong isasailalim sa validation at aalamin kung nakaapekto ito sa paghahain ng certificate of candidacy (COC) kahapon.

Base sa ulat ng Joint Task Froce Central (JTF-Central) ng Armed Forces of the Philippines (AFP), tatlo ang sugatan sa nangyaring indiscriminate firing sa munisipyo ng Brgy. Poblacion, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, alas-12 ng tanghali kahapon.


Nag-ugat ang gulo sa away sa pagitan ng dalawang grupo sa tanggapan ng COMELEC na nagresulta sa 15 minutong palitan ng putok.

Nasa ligtas nang kalagayan ang tatlong sugatan na kinilalang sina alyas “Baguinda”, alyas “Sadam Taguigaya”, at alyas “Morsid Pendulat” matapos agad na mabigyan ng atensyong medikal.

Napinsala rin ang Shariff Aguak MPS matapos tamaan ng ligaw na bala dahilan para masira ang aircon at bintana nito.

Agad na tumakas ang mga salarin matapos ang insidente na subject ngayon ng hot pursuit operations ng mga awtoridad.

Facebook Comments