Cauayan City, Isabela- Naaalarma si Baggao Mayor Joan Dunuan sa usapin ng ‘Illegal logging’ at ang pangha-harass sa mga kasapi ng forest ranger ng Municipal Environment and Natural Resources (MENRO).
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Mayor Dunuan, ito ang ika-apat na beses na pangha-harass ng mga nasa likod ng iligal na pamumutol ng kahoy makaraang takutin ang forest ranger at pagbabarilin ng riding-in-tandem ang checkpoint kung saan nakapwesto ang ilang mga tauhan ng MENRO.
Aniya, higit na nakakaawa ang mga forest ranger dahil walang sapat na kagamitan ang mga ito para ipagtanggol ang kanilang mga sarili habang nagsasagawa ng monitoring sa mga lugar na talamak ang pamumutol ng kahoy.
Paliwanag ng alkalde na paraan ito ng mga nasa likod ng pananakot upang mapaalis ang mga kasapi ng MENRO na nagbabantay para sa pangangalaga ng kagubatan at malayang gumawa ng iligal na aktibidad.
Tila walang pakialam aniya ang mga barangay kung bakit nangyayari ang pagkakalbo sa mga kabundukan na higit na nakakaawa kung pagmamasdan.
“𝗦𝗼𝗯𝗿𝗮𝗻𝗴 𝗸𝗮𝘄𝗮𝘄𝗮 𝗽𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝗯𝘂𝗻𝗱𝗼𝗸 𝗻𝗮𝗺𝗶𝗻𝗴 𝗱𝗶𝘁𝗼” 𝘀𝗮𝗮𝗱 𝗻𝗶 𝗠𝗮𝘆𝗼𝗿 𝗗𝘂𝗻𝘂𝗮 𝘀𝗮 𝗶𝗻𝘁𝗲𝗿𝗯𝘆𝘂 𝗻𝗶 𝗥𝗮𝗱𝘆𝗼𝗠𝗮𝗻 𝗖𝗵𝗿𝗶𝘀 𝗘𝘀𝘁𝗼𝗹𝗮𝘀
Matatandaang nitong nakaraang linggo, Enero 21 pasado 11:00 ng gabi ng pagbabarilin ang checkpoint na minamanduhan ng mga biktimang sina Mario Mamanao, Pablito Pascual at Dennis Villanueva na maswerte namang hindi napuruhan matapos paputukan ang mga drum na nakapaligid sa kanila.
Ayon sa alkalde, posibleng malaking grupo ang mga nasa likod ng iligal na pamumutol na kahoy kung kaya’t nananatili pa rin ang presensya ng mga ito sa tagong bahagi ng bayan ng Baggao.
Pakiusap naman ni Dunuan na makipagtulungan sana ang publiko para tuluyang mawala ang iligal na pamumutol ng kahoy.