Pamamaril sa New Zealand mariing kinondena ng Malacañang

Nagpaabot ng pakikidalamhati ang Palasyo ng Malacañang sa New Zealand matapos ang insidente ng mass shooting sa bansa kung saan napabalitang aabot sa 49 ang namatay.

Namaril kasi ng walang habas ang isang 28 taong gulang na lalaki sa dalawang Mosque sa nasabing bansa kung saan umabot nga sa 49 ang namatay at nasa 38 naman ang sugatan.

Naka live pa sa social media ang krimen habang ito ay ginagawa ng suspect na kinilalang si Brenton Tarrant.


Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, dapat ay sama-samang ikondena ng mga bansa sa buong mundo ang pagpatay sa mga taong sumasamba o nagdarasal.

Binigyang diin ni Panelo na walang lugar sa mundo ang mga ganitong gawain kaya lalabanan ng Pilipians ang anomang hakbang para makapaghasik ng karahasan, takot at kaguluhan sa publiko.

Sinabi din ni Panelo na nagkakaisa naman ang mga bansa sa paglaban sa terorismo at hindi aniya dapat hayaan ng sinoman at anomang bansa na maging bihag ng takot na gustong mangyari ng mga terorista.

 

Dagdag pa ni Panelo, kapag nagkakaisa ang mga bansa sa paglaban sa kasamaan at siguradong mananaig ang kabutihan.

 

Nakikiisa naman aniya ang Pilipinas sa pagdarasal sa pamilya ng mga biktima ng karumal-dumal na krimen at ang mabilis na paggaling ng mga nasugatan.

 

Inatasan na rin aniya ng Malacañang ang Department of Foreign Affairs (DFA) na alamin ang sitwasyon ng mga Pilipino sa New Zealand.

Facebook Comments