*Cauayan City, Isabela*- Maaari pa rin ang pamamasada ng mga pampublikong tricycle sa buong Isabela subalit isa (1) lamang ang maaari nitong sakay habang umiiral ang deklarasyon sa enhanced community quarantine.
Batay ito sa napagkasunduan sa ginawang pagpupulong ng inter-agency, inter-league at local council sa kapitolyo ng Isabela.
Sa ilalim ng Mass Public Transport Suspension, suspendido ang operasyon ng lahat ng pampasaherong bus, jeep, at vans habang pinapayagan naman ang mga tricycle na pumasada pero tiyakin na isang pasahero lang ang maaaring isakay at sundin ang nakapaloob sa fare matrix at iwasan ang pagtataas ng pamasahe.
Bilang tugon, para maiwasan ang pagpasok sa ibang bayan mula sa orihinal na pinanggalingan ng pampasaherong tricycle ay kinakailangan na mayroon ng iba pang tricycle ang nakaantabay sa checkpoint upang muling sumakay ang pasahero patungo sa kanyang destinasyon.
Samantala, napagkasunduan naman na papayagan pa rin ang mga drayber ng pampasaherong tricycle bagay na tiyakin ang pagbibigay ng inisyal na datos sa nakalatag checkpoint at kinakailangan na ibigay ang pangalan, tirahan, at dahilan ng pagpasok sa ibang bayan o siyudad maging ang pagpepresenta ng identification card (ID).
Sa kabila nito ay maghihigpit ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng kautusan para matiyak ang kaligtasan ng lahat sa posibleng pagkalat ng nakamamatay na sakit.