Manila, Philippines – Kinalampag ng isang mambabatas ang Philippine Competition Commission (PCC) para siyasatin ang pamamayagpag pa rin ng rice cartel sa kabila ng pag-iral ng rice tariffication law.
Nais ipasilip ni Marikina Representative at Assistant Minority Leader Stella Luz Quimbo ang posibleng pang-aabuso at paglabag sa batas ng ilang rice miller at rice trader sa bansa.
Sinabi ni Quimbo na bagamat positibong pangyayari ang 2.9% na pagbaba ng presyo ng bigas, nakababahala naman ang 17.48% na pagbaba ng halaga ng palay na binibili sa mga lokal na magsasaka.
Posibleng ang mababang pagbili ng palay sa mga lokal na magsasaka ang dahilan ng mababa ding presyo ng bigas.
Hinala ng kongresista, maaaring mayroong paglabag sa Section 15 ng Philippine Competition Act na nagtatakdang hindi dapat maabuso o mapagsamantalahan ang mga rice farmer.
Sinabi naman si Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr., na maaaring nababarat ng husto ngayon ang mga magsasaka at tinatakot na kung hindi gagawing mura ang bentahan ay mas pipiliing mag-import na lang ng bigas.
Iginiit ni Garbin na muling masuri ang safeguards sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng rice tariffication law.
Pinasisilip din ang Rice Competitiveness Enhancement Fund kung ito ba ay talagang napapakinabangan na pansuporta sa mga maliliit na magsasaka.