Pamasahe sa eroplano, bababa sa susunod na buwan kasunod ng pagbaba sa singil sa fuel surcharge

Inaasahang bababa ang singil sa pamasahe sa eroplano sa Setyembre.

Ito ay matapos inanunsyo ng Civil Aeronautics Board (CAB) na ibababa ang fuel surcharge level na sinisingil ng mga airline company sa mga pasahero.

Batay sa abiso ng CAB, mula noong Hulyo 10 hanggang Agosto 9 ay pumalo na lamang sa 46.73 pesos kada litro ang average price ng jet fuel.


Katumbas ito ng pagbaba mula sa umiiral na level 12 surcharge papunta sa level 9 surcharge.

Ibig sabihin mula sa 389 hanggang 1,137 pesos na singil sa mga pasahero sa domestic flights ay papalo na lamang ito sa 287 hanggang 839 pesos.

Habang magiging 937.39 hanggang 7,044.27 pesos na laamng para sa mga international flights ang sisingiling fuel surcharge mula sa umiiral na 1,284.40 hanggang 9,550.13 pesos.

Welcome naman ang naturang pagbabagong ito sa pamunuan ng Cebu Pacific at AirAsia Philippines at umaasa sila sa pamamagitan nito ay makakatulong ito sa paglakas ng air travel industry sa bansa.

Facebook Comments