
Pinabulaanan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang paratang ng China na ang Pilipinas ang ugat ng insidente sa Bajo de Masinloc noong nakaraang linggo.
Matatandaang dalawang barko ng China ang nagbanggaan matapos na habulin ang BRP Suluan na nagsasagawa ng “Kadiwa para sa Bagong Bayaning Mangingisda” sa naturang bahagi ng karagatan.
Sabi ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, legal at nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas ang paglalayag ng BRP Suluan alinsunod sa international law at sa 2016 arbitral ruling na nagbasura sa malawak na claim ng China sa South China Sea.
Imposible aniyang tayo ang dahilan ng banggaan, lalo’t maliit lamang ang BRP Suluan kumpara sa mas malalaking barko ng China na halos doble ang sukat.
Binigyang-diin din ni Tarriela na ang tunay na misyon ng Coast Guard ay magdadala ng bigas, pagkain, at gamit para sa mga mangingisdang Pilipino na matagal nang binabawal at hinaharang ng China sa Scarborough Shoal.
Nagawa rin aniyang mag-alok ng Pilipinas ng medical assistance sa Chinese crew matapos ang aksidente, bagay na hindi naman nila tinanggap.
Sa huli, binigyang-diin ni Tarriela na ang nangyari ay patunay ng kawalan ng propesyonalismo at paglabag sa safety rules ng Chinese vessels, at hindi dapat baliktarin ng China ang kuwento.
Malinaw aniya sa buong mundo na Pilipinas ang nasa tama, at ang tunay na sanhi ng kaguluhan ay ang ilegal at agresibong presensya ng China sa West Philippine Sea.









