Binigyang-diin ng mga opisyal ng gobyerno na nirespeto, iningatan at hindi binastos ang bangkay ni Jevilyn Cullamat, ang anak ni Bayan Muna Representative Eufemia Cullamat na napatay sa engkwentro ng militar at New People’s Army (NPA).
Ang pahayag ay ginawa nina Armed Forces of the Philippines (AFP) Southern Luzon Command Chief Lt. General Antonio Parlade Jr. at PCOO Undersecretary Lorraine Badoy sa pagdinig ng Senado ukol sa red tagging na pinamunuan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson.
Ayon kina Badoy at Parlade, malinaw sa report na kanilang natanggap na maingat at may respeto ang mga sundalo na binalot ng kumot ang bangkay ni Jevilyn na limang oras nilang binuhat at maayos na ibinigay sa pamilya o kapatid na lalaki nito.
Binanggit ni Parlade na nagpasalamat pa sa mga sundalo ang kuya ni Jevilyn dahil sa respeto at pag-aalaga nila sa labi ng kanyang bunsong kapatid.
Ipinaliwanag din Parlade na kaya isinama ang bangkay ni Jevilyn sa larawan kahanay ng mga baril ng NPA ay bilang ebidensya na may sukbit na baril si Jevilyn.
Kaugnay nito ay binigyang-diin naman ni Parlade na ang pagkamatay ni Jevilyn ay isang malinaw na patunay ng recruitment ng Bayan Muna sa mga kabataan para sumapi sa NPA.
Sa Senate hearing ay naglabas din ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ng video at testigo na nagsabing may kaugnayan si Bayan Muna Partylist Representative Isagani Zarate sa Communist Party of the Philippines.
Ito ay si Priel Booc, na nagsabing kasama niya si Zarate sa anibersaryo ng CPP sa Surigao del Sur.
Hinarang raw sila ng mga sundalo at si Zarate pa ang nakipagnegosasyon para sila ay papasukin sa event ng CPP.