Pambansang Araw ng Pagluluksa para sa Manlilikha ng Bayan na si Federico Caballero, idineklara ni PBBM

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-half mast ng mga watawat ng Pilipinas sa lahat ng gusali ng pamahalaan ngayong araw dahil sa pagpanaw ng Manlilikha ng Bayan na si Federico Caballero.

Batay sa Proclamation No. 678, idineklara ni Pangulong Marcos ang araw na ito, September 3, bilang National Day of Mourning o Pambansang Araw ng Pagluluksa para kay Caballero.

Nakasaad sa proklamasyon na ang pagpanaw ni Caballero ay isang malaking kawalan sa bansa, at dapat lamang na kilalanin ang kanyang dedikasyon sa pagpapanatili ng pamana at sining ng Panay Bukidnon sa Iloilo.


Si Caballero ay isang National Folk Artist at Master Epic Chanter na taga-Panay Bukidnon community sa Calinog, Iloilo, at kinilala bilang Manlilikha ng Bayan noong taong 2000.

Pumanaw siya noong August 17, 2024, at ililibing ngayong araw, September 3.

Batay sa Republic Act No. 8491 o “Flag and Heraldic Code of the Philippines,” ang watawat ng Pilipinas ay dapat naka-half mast bilang tanda ng pagluluksa sa araw ng libing ng isang tumanggap ng pambansang pagkilala at parangal.

Facebook Comments