Pambansang pondo sa 2021, target pa ring pagtibayin ng Kamara bago ang break ng sesyon

Tiniyak ni House Committee on Appropriations Chairman at ACT-CIS Partylist Rep. Eric Go Yap na nananatili pa rin ang target ng Kamara na mapagtibay ang ₱4.5 trillion na pambansang pondo sa 2021.

Ito ay sa kabila pa rin ng matinding girian sa usapin ng term-sharing agreement sa pagka-Speaker.

Ayon kay Yap, walang pagbabago sa target na pag-apruba sa House Bill 7727 o 2021 General Appropriations Act sa kabila ng problemang kinakaharap ng House leadership.


Ang pambansang pondo ay planong aprubahan ng Kamara at maisumite ito sa Senado sa October 14 o bago ang kanilang Undas break sa October 17.

Kahit bahagyang naantala ang pagtalakay sa pambansang pondo sa plenaryo noong nakaraang Linggo matapos na maghain ng resignation si Speaker Alan Peter Cayetano ay tatapusin pa rin ang debate sa budget sa sa darating na Biyernes kung saan agad na isasalang ito sa period of amendments para maaprubahan na ito sa ikalawang pagbasa.

Matatandaang pinaalalahanan ng Palasyo ang mga kongresista sa kahalagahan na maipasa agad ang pambansang budget kahit pa may matinding labanan ngayon sa House leadership.

Facebook Comments