‘Pambebeybi’ ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PNP, itinanggi ni Senator Ronald Dela Rosa; Ilang opisyal ng gobyerno, hati ang reaksyon sa pagsusulong ng Death Penalty

Naniniwala si Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na hindi ang ‘pambebeybi’ ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dahilan kaya lumakas ang loob ng ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na gumawa ng mabigat na kaso.

Kasunod ito ng pagpatay ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang Gregorio sa Tarlac na nagresulta ng muling paggiit na buhayin ang Death Penalty.

Sa interview ng RMN Manila kay Dela Rosa sinabi nito na tama lang ang naging pangangalaga ni Pangulong Duterte sa hanay ng mga pulisya.


May mga pagkakataon lang kasi aniya na lumalampas na ang mga ito sa linya bunsod ng kanilang trabaho.

Kaugnay nito, pumabor naman si VACC President Arsenio Evangelista na buhayin ang Death Penalty.

Pero ayon sa kanya, sa iilang kaso lamang ito dapat maihatol katulad ng mga Police Officers na gumagawa ng mabigat na kasalanan.

Samantala, mariin namang kinondena ni Deputy Speaker at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza ang pagsusulong ng Death Penalty.

Paliwanag kasi nito, imbes na isulong ang Death Penalty mas mabuting baguhin ang sistema ng PNP dahil maituturing na bigo ang mga ito sa pagsugpo ng karahasan.

Facebook Comments