Pambili ng laptop sa mga public school teachers, ipinasasama sa 2021 budget

Hinimok ni Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera ang Malakanyang na isama sa 2021 national budget proposal ang pondo para sa mga laptop ng mga public school teacher.

Ayon kay Herrera, bukod sa malaking tulong ay napakahalaga ng laptop sa pagtuturo ng mga guro ngayong lilipat na sa distance at blended learning program ang Department of Education (DepEd) bilang tugon sa COVID-19 pandemic.

Kailangan aniyang matiyak ng pamahalaan na may magagamit ang mga guro na basic technology tool sa online teaching tulad ng laptop na makakatulong din sa pagpapalakas ng curriculum, extensive research opportunities, access sa up-to-date na mga impormasyon at iba pang learning benefits.


Nauna namang inihayag ng DepEd na mangangailangan ng P27 billion na pondo para maibigay sa mga public school teacher ang kinakailangang laptop sa pagtuturo.

Sa 880,000 na mga teaching personnel sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa, 190,574 dito o 22% ng mga guro ang mabibigyan ng laptop hanggang sa katapusan ng taon.

Hiniling ni Herrera na ang natitirang 680,000 na mga guro ang siyang isama para sa pondo sa laptop sa pambansang budget sa 2021.

Facebook Comments