Pambili ng microsattelites, buoys at aerial drones, ipinasasama sa 2022 budget ng DND at PCG

Inirekomenda ni Deputy Speaker at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera sa Department of National Defense (DND) at sa Philippine Coast Guard (PCG) na isama sa kanilang 2022 budget ang pondo para sa pagbili ng microsatellites, smart buoys, at aerial drones.

Ito ay para may magamit ang DND at PCG sa pagbabantay sa West Philippine Sea (WPS) at sa maritime borders ng bansa lalo pa’t mas lumalawak din ang claim ng China sa mga isla na sakop ng teritoryo ng Pilipinas.

Aniya, ang mga equipment na ito ay magsisilbing mata at tenga sa pagmonitor sa ating pangisdaan, exclusive economic zones, at territorial waters.


Ang mga ito aniya ay cost-effective technology solutions na makakatulong sa mga Pilipinong mangingisda, inter-island ferries, at island communities.

Kasabay nito ay iminungkahi rin ni Herrera sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na idagdag sa kanilang budget proposal ang portable telecoms at solar energy solutions na gagabay sa mga mangingisda para malaman ang mga best areas sa karagatan na maraming isda at tutukoy rin sa mga bahagi ng dagat na may overfishing.

Bukod dito ay inirekomenda rin ng lady solon ang mas malaking pondo para sa fishing cooperatives, registration para sa mga fishing vessels, government-subsidized maritime insurance, at tulong pinansyal para sa mga mangingisda tuwing closed season.

Facebook Comments