Pambobomba sa Marawi, hindi dapat magpatindi ng diskriminasyon sa mga Muslim at hindi dapat maging rason ng muling militarisasyon sa Mindanao

Mariing kinondena ng Kabataan Party-list ang pambobomba na naganap sa Mindanao State University sa Marawi City kaakibat ang panawagan para sa agaran at patas na imbestigasyon upang mabigyan agad ng hustisya ang mga biktima.

Bunsod nito ay umaasa si Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel na ang nabanggit na karahasan ay hindi magbubunga ng mas masahol na diskriminasyon laban sa mga kapatid nating Muslim.

Giit pa ni Manuel, ang insidete ay hindi rin dapat gamitin para bigyang-daan ang todong militarisasyon o lantarang batas militar sa Marawi o sa Mindanao.


Diin ni Manuel, sa pagharap sa sitwasyong ito ay dapat natutuo na tayo mula sa Marawi Siege.

Katwiran ni Manuel, hindi bahagi ng pagtiyak ng kapayapaan ang pagpulbos muli sa siyudad ng Marawi at hindi natin dapat hayaan na humantong ang sitwasyon sa paglikas muli ng ating mga kapatid sa kanilang lupang ninuno.

Ayon kay Manuel, ang dapat tutukan ngayon ay ang pagbibigay ng nararapat na proteksyon at seguridad sa mamamayan mula sa panibagong mga banta o atake.

Facebook Comments