Inihirit ni Senator JV Ejercito kay Pangulong Bongbong Marcos na banggitin nito sa nakatakdang pulong kay US President Joe Biden ang patuloy pa rin na pambu-bully at pangha-harass ng China sa Pilipinas.
Ayon kay Ejercito, marapat lamang na mabanggit ni Pangulong Marcos kay President Biden ang isyung ito lalo’t kilala ang bansa na pinaka-loyal na kaalyado ng US.
Sinabi ng senador na ngayon niya mas naiintindihan ang tampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa US dahil sa kabila ng pagiging matapat ng Pilipinas sa Estados Unidos ay maliit lang ang ibinibigay na military aide sa bansa gayong sa ibang mga bansa ay napakalaki.
Aniya pa, kung talagang kakampi ang tingin ng US sa Pilipinas ay dapat na totohanin ng Amerika ang Mutual Defense Treaty (MDT) lalo na sa pagkakataong binu-bully tayo ng China.
Dapat aniyang maiparamdam ng Estados Unidos na ‘big brother’ sila ng Pilipinas at maging patas kumpara sa ibang bansa na tinutulungan ng US.
Umapela rin si Ejercito kay Pangulong Marcos Jr., na isama sa idudulog kay President Biden ang pagtulong at pagtangkilik sa ating mga produkto na malaking tulong para sa bansa.