Pambu-bully ng China, tinawag ng isang senador na sobrang kabastusan na para sa bansa

Tinawag ni Senator Joel Villanueva na sobrang kabastusan na ang sunud-sunod at tumitinding pambu-bully ng China sa ating mga kababayan sa ating teritoryo.

Kasunod na rin ito ng pinakahuling insidente sa Ayungin Shoal kung saan muling hinarang ng China ang Rotation at Resupply Mission ng mga tauhan ng Philippine Navy na nauwi pa sa paghatak ng China Coast Guard sa military boats ng bansa, pangungumpiska ng mga armas at ilang Pilipinong sundalo na nasaktan na ang isa ay naputulan pa ng daliri.

Inamin ni Villanueva na lubos siyang nababahala dahil bukod sa makabago ang teknolohiya ng kanilang mga kagamitan ay mas nagiging agresibo pa ang China sa kanilang mga pag-atake sa Pilipinas.


Dahil dito, hiniling ni Villanueva ang pagkakaisa ng mga Pilipino para sa labang ito sabay ng kanyang pagbibigay ng pagsaludo sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines at maging ang mga mangingisda at mga sibilyan na buong tapang na nakikipagsapalaran araw-araw sa West Philippine Sea (WPS).

Pinuri at suportado rin ng mambabatas ang paghahain ng Pilipinas sa United Nations (UN) ng claim para sa extended continental shelf sa WPS na isang proactive measure na hindi lang nagpapatibay sa ating historical claim sa Kalayaan island group kundi nagkukumpirma rin sa ating commitment na sumunod sa ‘rule of law’.

Facebook Comments