Pambubugbog ni Rep. Richard Garin, posibleng imbestigahan ng Kamara

Posibleng paimbestigahan sa Kamara ang ginawang pambubugbog ni Iloilo Rep. Richard Garin kay P03 Federico Macaya Jr. sa bayan ng Guimbal sa Iloilo.

Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni House Minority Leader Danilo Suarez na maaaring sampahan ng reklamo sa House Committee on Ethics ang isang myembro ng Mababang Kapulungan na nakagawa ng paglabag.

Kailangan lamang aniya na may maghain ng valid complaint laban kay Garin bago ito ipasiyasat ng Kamara.


Sa ilalim ng rules ng Kamara, ang sinumang indibidwal na na-agrabyado ng isang kongresista ay maaring maghain ng ethics complaint sa secretary-general na siyang magre-refer sa rules committee.

Kapag natanggap ng rules committee ikakalendaryo ito sa plenaryo ng Kamara para sa first reading at saka naman ibababa sa House Ethics Committee.

Si Garin kasama ang kanyang ama na si Mayor Oscar Garin ay napaulat na nambugbog ng isang pulis sa lalawigan ng Iloilo noong araw ng Sabado matapos na hindi umano sampahan ng kaso ng pulis ang taong umatake sa isang bata noong December 22.

Facebook Comments